Monday, May 28, 2012
tulang isinulat ni Ericson Acosta sa Calbayog Sub-Provincial Jail ilang araw bago ang kanyang ika-40 kaarawan, Mayo 27, 2012
I.
Kung nais ko ngayong
Kayo’y paiyakin
Agad kong babanggiting
May mga araw pa rin
Na ako’y nagigising
Nang maling-mali –
Limang kisap ng mata at kalahati
Kutob lamang ay dalamhati
Pagkat lahat ng iba pa
Ay sadyang lingid pa
Sa aking pakiwari:
Kung anong lunan ito eksakto
Ako ay bobo’t talunan;
Kung aling kwarto, kung ilang kanto
Bulag ako at bulaan.
Nakabitay ang bombilya
Sa kisameng kabelya
Ngunit di ako tiyak
Kung ito ba ay galak
O nag-aagaw-buhay;
O kung ang mga tanong ko’y tuwid pa
O tuwad na ang saysay:
Gaano kakapal ang agiw
At ang balat ng gagamba?
Sa kasilyas ng ipis
Gaano lamang ba kanipis
Ang hiyas ng silahis?
Nangagsalabid ang mga anino
At hindi ko masino
Ang mga mukha at lawas na katabi,
Hindi mapiho na s’ya nga pala kagabi
Ako ay natulog
Hindi sa liwasan
Hindi sa yakap ng irog
Hindi sa looban
Hindi sa ligid ng ilog
Hindi sa duyan at pandong ng anahaw
Hindi sa pusod ng Hurao o Banahaw.
Anupa’t sa dulo ng alimpungat
Sa bungad ng ulirat
Doon na lamang tatambad
Ang kwarto por otso metrong sukat
Ng kongkreto, bakal at kawad
Ng katotohanang ito –
Natulog ako
Sa sakal
Ng pasismo.
Kung nais ko kayong maiyak
Ikukuwento ko ang aking anak
At ang bigo naming pagkikita ngayong buwan
Pero saka na lamang
Mangyari’y ayaw n’yang
Sya’y pinag-uusapan.
II.
Kung nais ko namang kayo'y patawanin
Si Moises malamang ay tumulong sa akin
Gaya nung tanghali na medyo kulimlim
Mainit pa ang isyu ng US submarine
Iisa ang tingin nilang kosang tatuin
Si Pnoy sa dayo'y mainam na tutain
Ang kosang si Moises di nakapagpigil
Pumadyak at gumiling, balikat na may gigil:
Noynoy is a doggy,
Noynoy, noynoy is a doggy
Noynoy is a doggy,
Noynoy, noynoy is a doggy
III.
Kung nais ko kayong magalit
Isusumbong ko sa inyo si Mabalasik
Noong Marso nang nagmamartsa na’t rumelyebo rito
Ang kanyang iskwad ng mersenaryo
Sinilip niya sa selda sa unang pagkakataon
Ang kanyang kalaboso.
Ganito ang drama ng tarantado:
Ikaw ba si Acosta?
Red Lolong pala, ha…
Ulol! Patpating mokong.
Wala akong pangalan, gago, hahaha.
Bakit mamamatay ka ba kung di mo malaman
Kung 87IB kami o 34th o 14th?
Daldal mo rin ano…
Bobo, hindi Mabalasik ang pangalan ko;
Bansag yan ng yunit
Kaya nasa t-shirt, tanga.
Wala ka nang babalikan, Acosta.
Huwag ka nang umasa pa.
Wala na ang mga poste n’yo sa San Jose.
Anong di mo alam yun?
Alam na alam mo yun.
Binomba na namin at tinunaw
Ang mga base n’yo sa Matuguinao.
Ano ka ngayon? Daan-daan ang patay.
Naiintindihan mo? Daan-daan! Patay!
May alam pa kayong strategic stalemate na kagaguhan.
Hindi ako laseng, bakla.
Inggit ka lang dahil di ka maka-inom.
Aba putangina mo
Pati yun pakikialaman mo.
Nagbabayad naman kami, baket?
Tangina ka, inggit ka lang
Di ka na nakakakantot.
Salsal! Salsal! Hahaha!
Pero sabihin mo lang
Pwede ka naming ikuha,
Baka ilibre pa kita, hahaha.
Kulit mo, di pa ko laseng, eng-eng.
Kawawa talaga kayo
Si Joma inom nang inom sa abroad
Kayo nakakulong.
Huwag mo ‘kong ini-ingles-ingles,
Pak yu ka! Pak yu ka forever!
Pinag-aral ka sa UP ng gobyerno
Ngayon lalaban-labanan mo
Wala kang utang na loob.
Umayos ka, hayop ka
Hindi ko makakain
‘yang human-human rights mo d’yan.
Huwag kang pasaway, Acosta,
Alam mo yung aksidente?
Sige gusto mo aksidente, kolera ka?
Masuwerte ka hindi Scout Ranger ang kaharap mo
Kundi kanina ka pa naaksidente
Demonyo kang kalambre kang bayot kang
NPA kang salot sa impyerno kang Komunista.
IV.
Kung nais ko kayong
Bumilib lahat sa akin
Sa numero marahil
Mainam na bumaling
1.Zero: Bilang ng kaselda
Na kaya akong talunin
Sa dama
(mag-iiba ang pigura
Kung kasado ang pusta).
2. Fifteen: Bilang ng lamang ko sa taon
Sa average na edad
Ng kosang nagba-basketball.
3. Six: Average na score ko
Sa isang ten-point
Three-on-three
Basketball game
(pumapalo ito sa tatlong puntos
Kung kakampi si Pasimos
O tirik ang araw at walang ulap).
4. Five: Bilang ng coed (male: 2)
Mula Christ the King College
Na nag-field trip dito kamakailan
Na hindi naniniwala
Na malapit na akong magkwarenta
(pwede raw na twenty-nine
O nineteen pa nga kung naka-smile).
5. Three: Bilang ng Christ the King coed (male: 1)
Na nagsabing parang na-rebond
Ang buhok kong lagpas na sa balikat
(seventy-five: porsyento ng mga dalaw
Na kaanak at kaibigan
Na nangungulit sa aking
Ipagupit na ang long hair kong kutuhin
[huwag na sana itong makarating
Sa mga taga-Christ the King]).
Hindi magkakasya rito
Kung itatalang lahat
Ang kembot ko’t kapal-yabang.
Hayaan na lamang ninyo ako
Na ilagay dito sa dulo
Ang isang tunay na idolo
Ng mga may katigasan ang mukha
Zero: Bilang ng pagkurap
O pagkislot man lamang
Ng mapungay na mata
Ni Edwin Lacierda
Nang minsang ihayag niya
Ang kagaguhang upisyal
Na zero ang bilang
Ng bilanggong pulitikal.
V.
Pero ang talagang nais ko
Ay magpalakpakan kayo.
Ganyan po. ‘Yung malakas.
Ganyan nga, mas malakas
Sige na, hiyawan
Sige pa, indakan.
Ganyan lang ba ang palakpak?
Wala bang halakhak?
Eh sipol? Padyak?
Talon! Talon!
Salamat, praktis ‘yan
Tandaan n’yo
Para sa araw ng paglaya ko
At ng lahat ng bilanggong makabayan.
At huwag n'yong kakalimutan
Ang ginawa ninyong ‘yan
Milyong ulit kumpara d’yan
Ang sigabo at rubdob
Ang kwitis at pasabog
Sa oras na malubos
Ang pambansang kalayaan.
Magwawagi tayo sa digma, tiyak ‘yon.
Isa na lang, subukan natin.
Paano natin ipagdiriwang
Ang tagumpay ng rebolusyon?
Tuesday, March 27, 2012
Monday, March 26, 2012
Thursday, March 22, 2012
Ka Lendar 1
March 16, 2012
Salamat sa ipinadala ninyong sketchpad at pencils. Pero ito rin ang may kasalanan kung bakit di pa natatapos ang mga ipinangako kong sulatin. Drawing lang kasi ako nang drawing at ang mga kosa naman ay gusto syempreng magpradowing. Meron pa ngang kaibigan yung mga trustee at guards na babae na nakatira sa malapit dito na nagpapa-isked na ring magpadrowing.
Marami na akong nadrowing pero ang ipapadala ko ngayon ay lima lang at lahat ng ito pakisabi kay Eman ay ang regalo ko sa kanya sa birthday niya...
Monday, February 20, 2012
Gabi ng Taglagas

Sa tapat ng tarangkahan, nakatayo ang de-ripleng bantay
Sa ibabaw, bulagsak ang mga ulap palayo, ang buwan ay tangay.
Ang mga surot ay namumutakti gaya ng nagmamaniobrang mga tangke,
Humahanay sa mga iskwadron ang mga lamok at tila tora-torang umaatake.
Sanlibong milya ang nilalakbay ng aking puso patungo sa lupang tinubuan,
Nakasalabid sa kalungkutan ang aking parangap kagaya ng kumpol ng sanlibong himulmol.
Walang kasalanan, ako ngayon ay nakatagal ng isang buong taon sa bilangguan
Gamit ang luha bilang tinta, ginagawa kong tula ang mga laman ng aking isipan.
—Ho Chi Minh
February 13, 2012
Kahapon, nadulas sa pagbulalas ang isa sa aking mga dalaw: “Happy first anniversary mo rito.” Wala naman sa akin ‘yon, pero agad-agad din, bago pa man ako mangiti o makatawa, napagtanto niya marahil ang maaaring pagkawala-sa-lugar ng magiliw sana nilang pakli. Niyakap niya ako at ganito ang kanyang bawi: “Hindi, happy valentine’s day na lang pala, pinsan.” Maski ito, tiyak ako ay naging sanhi pa rin ng pagkatuyo ng kanyang lalamunan – paano nga ba magiging happy ang valentine’s sa loob ng kulungan?
Kakatwa pero may pagkakataon na nakadarama ako ng pagkaawa sa aking mga dalaw sa labis nilang pag-iwas na maawa sa akin. Gaano man ang kanilang galak na ako ay makita, huli ko ang kanilang pagkabalisa, halata ang pagpipilit at pag-iingat na hindi makakanti ng emosyon, sa akin man o sa kanila. Maging ang napakasimple’t inaasahang “Kumusta ka na?” maraming beses ay tila alumpihit sila sa pagbigkas – may ilang natitigilan na lang pagkatapos na parang ayaw marinig ang aking sagot; ang iba ay mabilis na kakambiyo: “Ano ba namang tanong ‘yon? Paano ka nga bang magiging OK sa kulungan?”
Gusto kong sabihin na sa loob ng isang taon, sa gitna ng napakatunay at napakatinding hindi OK na kalagayan, ay OK ako. Sa harap ng pagdurusa, walang ibang nararapat kundi ang magpakatatag at pagtindig sa patuloy na paglaban. Bihag man ng dahas at kawalang-katarungan ng estado, ako ay di lugmok, lupig at bigo. Hindi ko iniinda ang awa ng mga kaanak, kaibigan at kasama. Natural na bahagi lamang ito, gaya ng lungkot, galit o maging pangamba, ng pagmalas at pagdaranas sa isang kongkretong kaso ng inhustisya. Di ko ito inda laluna dahil alam kong mas nananaig sa bawat isa ang palabang diwa at ang pagnanais na makapagbahagi at makibahagi sa pag-asa ng paglaya.
February 14, 2012
Ang pinakamaaga kong alaala ng valentine’s day ay ang pagtatanghal ng aming grade six batch ng isang dulang pang-valentine. Kakaiba ang dula dahil hindi ito istorya ng pag-iibigan kundi ng mismong buhay ng dalawang historical valentine character – ang dalawang Saint Valentine na parehong naging martir sa panahon ng early Christianity. Ako ang nagsulat ng dula at ito rin sa pagkakaalala ko ang pinakaunang dulang naisulat ko.
Ang pinakahuling alaala ko ng valentine’s day ay ang ikalawang araw ko sa kamay ng mga pasistang humuli sa akin noong isang taon. Sa gitna ng tuluy-tuloy, walang tulog na interogasyon at tortyur, pumasok sa kubol ang isang sundalong upisyal bandang tanghali at binati ako ng Valentine’s Day. Hindi ako kumibo. Nanghihinayang daw siya, sabi ng upisyal, dahil kung nakipag-cooperate lang ako ay nakasama ko sana ang aking mga mahal-sa-buhay sa araw na iyon ng mga puso. Pagsapit ng alas-onse o alas-dose ng gabi, may bumati uli ng Happy Valentine, sabay ulat sa akin na sa kampo na rin ng militar nagdiriwang ng valentine’s day ang NDFP consultant na si Alan Jazmines na nahuli raw nila noong araw ding iyon.
Sunday, February 12, 2012

Wednesday, February 1, 2012
Sulat kay Gang Badoy ng Rock Ed Philippines
Dec. 7, 2011
Dear Gang,
Happy International Human Rights Day. Bagamat hindi naman talaga happy ang human rights situation sa bansa, happy tayo dahil alam nating maraming sektor ng mamamayan ang nagkakaisa at determinado sa pagtatanggol sa karapatang-tao at sa paghahanap ng hustisya.
Ang mga bilanggong pulitikal sa buong bansa ay happy ring nakikiisa sa mga sektor na ito bagamat sa ngayon ay mas matingkad ang aming pagiging hungry kaysa happy. Nasa gitna kami ngayon ng hunger strike para dramatikong ipahayag ang aming panawagan at ang labis na inhustisyang aming patuloy na dinaranas sa kamay ng estado.
Pangatlong pagkakataon na ito ngayong taon na maglunsad ng pambansang koordinadong hunger strike ang mga poldet. Pero wala pa ring kibo ang gobyerno hanggang ngayon. Wala pa rin itong ginagawang hakbang para pasimulan ang proseso ng pagbabalangkas ng isang general, unconditional at omnibus amnesty declaration para palayain ang lahat ng political prisoners. Wala pa rin itong tugon sa kagyat na kahilingan na palayain na ngayon din, on humanitarian grounds ang mga poldet na may karamdaman, may edad na gayundin ang kababaihan. Wala pa rin itong intensyon na palayain ang lahat ng NDFP consultants para sa peace process bilang pagkilala sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees at pagbibigay ng sinserong commitment sa usapang pangkapayapaan.
Nakakapikon ang ganitong pagkikibit-balikat ng mga nasa poder laluna dahil halos 25% ng 360 poldet ay bunga na ng mga kaso ng ilegal na pang-aaresto at detensyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Mas nakakagalit ang tahasang pagmamalaki/pagsisinungaling ng Malakanyang na ang kasalukuyang bilang daw ng detinidong pulitikal sa bansa ay isang matabang-matabang zero.
Napakahalaga kung gayon na palawakin pa ang suporta ng iba’t ibang sektor para sa panawagan ng mga poldet. Sadyang napakapositibo, kaugnay nito, ang balita na sa isang antas ay naisasama ninyo sa inyong mga advocacy ang tungkol sa amin. Maraming salamat.
Nabalitaan ko noon ang tugtugan ninyo sa Bilibid. Ang galing. Naaalala ko siyempre si Johnny Cash, Metallica at BB King. Sa loob-loob ko naman ngayon, syempre ay mainam kung makakagawi rin kayo rito (although para ngang napakahirap dahil sa layo ng Samar). Ihahanda ko na ang “Jailhouse Rock” ni Elvis kung sakali. O “Unplayed Piano” ni Damien Rice. O “Jail” ng Wuds (Armstalk). Pero mas madali, dahil mas malapit sa inyo, kung bumalik kayo halimbawa sa Munti – ang alam ko ay may mahigit 40 na poldet doon. O kaya ay sa PNP Custodial Center sa Crame, pwede kayong makipag-jamming doon (curacha!) kay Ka Edong Sarmiento o sa makata ng bayan na si Ka Alan Jazmines (pero gudlak dahil isa ito sa pinakamahigpit na detention facility pati toothpaste minsan daw ay kinukumpiska ng mga praning na prison official dahil pwede raw itong ingredient ng explosive!) O kaya naman ay sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, naroon naman ang karamihan sa kapatid nating Muslim na poldet. O sa Batangas Provincial Jail, andun ang kababaihang sina Charity Dino at Maricon Montajes (filmmaker from UP) kasama ang Batangas 6. O, medyo malayo pero Luzon din, sa BJMP Ilagan, Isabela andun si Ka Randy Malayao na may malupit na baritone.
Kung matuloy man kayo, padalhan na lang ninyo ako ng CD kung pwede (may marerentahan ditong CD/DVD player).
Sige sa susunod na lang uli. Muli maraming salamat sa inyo at mabuhay ang Rock Ed.
Para sa kalayaan,
Ericson
Friday, January 27, 2012
Hunger Strike Letters
Dec 8, 2011
Ka Alan, Ka Edong, Ka Ed,
Mabuhay! Binabati ko po kayo sa matagumpay ninyong paglulunsad ng mga aktibidad para sa International Day of Solidarity for for Political Prisoners at sa isang linggong pagdiriwang ng International Human Rights Day.
Bagamat ni kibot ay wala na naman tayong narinig mula kay Aquino, matagumpay ang mga pagkilos na ito sa ibayong pagpapataas ng ating palabang diwa. Malaking ambag ang mga ito sa paghamig ng mas malawak pang suporta para sa mga panawagan ng mga poldet. Sa patuloy na paglawak ng pakikiisa ng iba’t ibang sektor ng mamamayan sa ating partikular na kampanya at sa demokratikong kilusang masa sa pangkalahatan, asahan nating sa malao’t madali ay maitutulak din natin ang Malacanang sa isang posisyon para seryosong harapin ang hamon ng pagdedeklara ng general at unconditional amnesty para sa mga poldet.
Gaya ninyo at ng iba’t ibang poldet sa iba’t ibang lugar ng detensyon, ay naka-hunger strike din po ako ngayon (mula 3 hanggang 10 ng Disyembre). Bukod sa pangkalahatan nating mga panawagan at sa pagtatampok sa mga kaso ng tinatawag nating prayoridad na mga poldet gaya ng mga may edad na, may karamdaman at kababaihan, dala-dala ng aking pagha-hunger strike ang ilan kong partikular na usapin. Isa na rito ang demanding paalisin ang mga sundalong nakakampo ngayon dito mismo sa dapat ay sibilyang pasilidad ng Calbayog sub-provincial jail. Kung sa Mendiola ay mayroon tayong camp-out laban sa krisis, ang panawagan naman natin dito ay out with the camp now! Noong huling linggo ng Hulyo ay isang platun ng 87th IB ang idineploy dito; mula October hanggang ngayon, naging isang iskwad ito mula sa 14th IB
May panahong malayang nakakabalandra ang mga ito, dala ang kanilang mahabang baril, hanggang sa pasilyo mismo ng gusali ng presohan. Bandang Agosto, may mahigit isang linggo na tuwing umaga ay para akong si Lolong o kung anumang hayop sa zoo na dinudungaw nila sa aking selda. Nang minsang tanungin ko ang isa sa kanila kung bakit sila narito, ang sagot niya ay dahil daw may operasyon sila sa karatig-barrio at nakikiigib lang daw sila dito sa jail. Nang sabihin ko sa kanila na hindi kaya’t kaya sila narito ay para bantayan ako, sinigawan niya ako ng ganito: “Bakit? Sino ka ba? Sikat ka ba? Artista ka ba?” Pero nakumpirma ko rin agad na ako nga ang sadya ng deployment na ito.
Nung una ay bandang likod lang sila ng compound naka-himpil. Nitong Nobyembre ay lumipat na sila sa harapan, sa gilid ng kalsada at sa isa pang pusisyon na nasa tabi mismo ng multi-purpose room. Nung dinalaw ako ni Ka Paeng Mariano noong 3rd week ng November, nasaksihan niya kung paano nakikiusyoso ang mga sundalong ito sa kumbersasyon ko sa aking mga bisita. Nalaman ko rin na tsini-check ng mga sundalo ang logbook ng jail para makuha ang pangalan ng mga dumadalaw sa akin.
Malinaw na tahasang pagbabalewala ito sa silbilyang katangian ng jail na ito. Isang hamon ko sa mga jail officer dito na manindigan sila laban sa pagsagasang ito ng militar sa civilian authority.
Mamayang hapon ay may iskedyul ako sa Calbayog City Hall of Justice. Maghahapag daw ang prosecutor ng request sa korte na ilipat ako ng detensyon – sa Catbalogan Provincial Jail daw. Matinding presyur ang ibinigay ng militar sa mga jail officer dito hanggang sa mapapayag ang warden na magrequest na itransfer ako mula rito. Ang dahilan ng request ay dahil iginigiit ng militar na may impormasyon sila diumano na irerescue ako ng mga NPA. Pakana ito para matiyak ng militar na mas mabisa nila akong masusupil at mamamanmanan gayundin ang aking mga dalaw at tagasuporta, laluna dahil ang headquarters ng 8th ID ay nasa Catbalogan.
Matalas ang isang kosa. Sabi niya, “Huwag kang papayag, kosa Eric, kasi pag andun ka na sa provincial jail sa Catbalogan, ang susunod nilang sasabihin ay may info sila na dun naman irerescue ng NPA kaya irerequest ka na nila na ilipat na muna sa 8th ID mismo,”
Kahapon tinanong ako ng taga-Bulatlat.com kung ano ang masasabi ko sa ipinagkakalat ng military na sasalakayin nga daw ang Calbayog jail. Sabi ko, noong July pa ito sinalakay; at ang militar mismo ang sumalakay. May isang casualty – civilian authority.
Salamat nga po pala sa pinadala ninyong postcard. Ka Alan, Ka Edong, salamat sa pagsagot ninyo sa sulat ko. Binabati ko rin kayong dalawa – naibalita sa akin na naglunsad po pala kayo ng exhibit ng inyong mga artwork. Interesado akong makita ang mga obrang ito; sana ay mapadalhan ako ng FEAC ng mga photo nito.
Sige hanggang dito na lang muna. Maghahanda pa po ako para sa pagpunta ko sa korte mamaya. Tatadtarin ko ng mga sticker na “Free All Political Prisoners” yung isusuot kong orange t-shirt.
Padayon,
Ka Eric
PS
Pasensya na kung medyo magulo at maraming bura. Mukhang isang epekto kasi ng hunger strike para sa akin ay yung parang groggy na pakiramdam at panakanakang pagkalula. Pero OK pa naman po ako. Sana ay kayo rin.
Tuesday, January 3, 2012
Sulat para sa Batangas 7

Dec 8, 2011
Ka Maricon, Ka Charity, Ka Billy, Ka Sonny, Ka Ronilo, Ka Romiel, at Ka Alberto
Mabuhay!
Binabati ko kayo at nakikiisa rin sa inyong hunger strike at iba pang kaugnay na mga aktibidad sa panahon ng International Day of Solidarity for Political Prisoners hanggang sa International Human Rights Day. Matagumpay ninyo itong naisagawa sa kabila ng mga pagbabanta sa inyo ng mga awtoridad. Sa inyo ang paghanga ko at pagsaludo sa ipinapakita ninyong tapang at giting.
Karaniwang itituturing ang hunger strike bilang akto ng desperasyon. Para sa ating mga bilanggong pulitikal, totoo ito. Totoo ito dahil nakapanlulumo ang kupad-bayukong usad ng ating mga kaso. Totoo ito dahil totoong hindi tayo mga kriminal. Totoo ito dahil mapanganib ang ating kalagayan para sa mga may edad na at may sakit sa atin gayundin sa kababaihan. Totoo ito dahil labis na ang pagdurusa ng ating mga kaanak. Totoo ito dahil nasa harap natin ang tila di matitinag na pader ng inhustisya. Totoo ito dahil patuloy na itinatanggi ng mga nasa poder ang ating pag-iral.
Gayunman, habang sumusulong ang pakikibaka ng mamamayan para sa tunay na pagbabago, para sa kalayaan at demokrasya, para sa katarungang panlipunan, hindi tayo mawawalan ng pag-asa. Dumating sa akin kahapon ang balita na naging “gitgitan” sa pagkilos, pag-camp-out, pag-“occupy” sa Mendiola ang iba’t ibang sektor at sa gitna ng aking pagha-hunger strike ay ilang beses akong binusog ng ahitasyon, inspirasyon at tatag. Gayundin ang hatid sa akin ng bagong mga kwento ng paglaban at pagtatanggol ng mga magsasaka sa mga nayon. Wala akong alinlangan, lalaya tayo mga kasama at ang buong bayan.
Para sa kalayaan,
Ka Eric
Monday, January 2, 2012
Isang Minutong Katahimikan
"Isang Minutong Katahimikan" is a song about extra-juducial killings and impunity, written by Ericson Acosta in prison. This version of the song was completed after the first studio recording done in November 2011. This was recorded during Ericson's hunger strike last December 6, 2011.
Isang Minutong Katahimikan (Ang kabuuan)
Capo 2nd Fret
Intro
C--
Refrain
C
Sa gitna ng pagtatalumpati
G
Ng nagdadalamhati
C G F G
Ay may panawagan sa lahat ng kaibigan
C G F G
Isang minuto ng katahimikan
C G F G
Isang minuto ng katahimikan
(Pause)
Em
Narinig ko
G C
Ang pagpatak ng luha sa dahon ng makahiya
Em
Narinig ko
G C
Ang paglukso’t pagaspas ng ulilang langaylangayan
Em
Narinig ko
Ang panghihinayang ng ama sa anak
G C D
Na ibinuwal nang walang kalaban-laban
Em
Narinig ko
C G
Narinig ko
II
(same chords)
Sa gitna ng pagtatalumpati
Ng nagdadalamhati
Ay may panawagan sa lahat ng kaibigan
Isang minuto ng katahimikan
Isang minuto ng katahimikan
At narinig ko
Ang buntong-hininga na nagpalangitngit sa kawayanan
Narinig ko
Ang pahayag ng pakikiisa ng mga kuliglig
Narinig ko
Ang pagmamalaki ng ina sa anak
Na hanggang sa huling hininga ay lumaban
Narinig ko
Narinig ko
Interlude
III
At narinig ko
Ang pagbuhos ng ilog sa lawa at sa dagat
Ang paghampas ng alon sa bato sa mga baybayin
Ang takot sa dasal ng maysala pagkat
Dumarami pa ang mga lumalaban
Narinig ko
Narinig ko
C-G (2x)
Coda 1
Em G C
Na---ririnig ko sa bawat pusong nagluluksa
G
ang yabag ng laksa
Em C
Nagbababala
Em G C
Naririnig ko sa bisig ng api’t dalita
G
Ang pintig ng digma
Em C
Rumaragasa
Coda 2
Em G
Narinig ko na ngayun pa lang
C
O kay bigat ng pagguho
Em
Ang muhon at pader
G
Ang Palasyo’t karsel
C Em
(Guguho, guguho, guguho)
G
Narinig ko na ngayun pa lang
C
O anung tapat na pangako
Em
Na sa ating lakas
G
May paglayang wagas
C D
(Pangako, pangako, pangako)
Em G C
Oooh
Em-C-G
May pawagan sa lahat ng kaibigan
Kinabukasan ng kapayapaan
Video of studio version, performed by Pochoy Labog of Dicta License/Malay:
Monday, December 12, 2011
Kabilang sa mga Nawawala (5)
Basahin ang bahaging 1, 2, 3 at 4
V. Kalayaan
Marami na ngang nawala sa akin. Drowing, kwaderno, panyo. Script, magasin, medyas. Tape, libro, t-shirt. Marami pa. Pero walang problema. Hindi naman ninakaw sa akin ang mga iyon. Leksyon na nga lamang ito marahil sa kung paano pangingibabawan ang pana-panahong pagiging burara.
At ano naman ang aral, samantala, sa pagkawala ng aking laya?
Hindi ko ito winala. Kinuha sa akin ito nang sadya. Dinampot ako at itinapon sa kulungan upang ipagkait sa akin ang kalayaang hanapin ang tunay na kalayaan.
Biktima ako rito, walang duda, habang isa rin sa mga nakaligtas. Mangyari’y ang iba ay sa libingan na inabot ng kanilang paghahanap. Marami na gayundin ang sila na mismong hinahanap pagkat dinukot at bigla na lamang nawala.
Nakaligtas ako, maaari, pero hindi ako nagpapasalamat.
Hindi sa Charlie Coy ng 34th IB. Sabihin pang sa kung anong kakatwang kadahilanan ay nagdal’wang-isip ang mga ito na ako ay paslangin, buong-buo naman ang kanilang loob na ako ay busalan. Kagyat nila akong kinailangang patahimikin gayong nang ako ay kanilang “masalubong” siyam na buwan na ang nakalilipas, ang luma at bago nilang rekord ng pamamaslang sa kanayunan ng Samar ang siyang eksakto kong sinasaliksik.
Hindi sa 87th IB o sa 14th IB. Palibot na ako ng mga rehas at pader ay sukat pang nagtayo ang mga elemento nito ng kanilang outpost sa compound ng presohan. Isang sibilyang pasilidad sa detensyon ang Calbayog sub-provincial jail kaya’t sadyang iregular kundi man iligal ang paggigiit na ito ng mga militar na mag-istasyon sila rito. Kailangan nila akong patuloy na manmanan, maging ang aking mga dalaw ayon sa praning nilang pangangatwiran.
Hindi sa CMO Battalion o sa hepe ng 8th ID, na sa desperadong pagbibigay-patunay sa kasinungalingang armado raw ako at mapanganib nang mahuli, ay nagpakalat ng mga dinuktor na mga litrato kung saan di umano ay may sukbit akong armas. Talagang may dahilan at tumpak ang AFP Chief na si Gen. Oban nang papurihan niya ang 8th ID bilang siya nang pinakamahusay at pinakadinamikong dibisyon sa buong sandatahan.
Hindi sa estado na matagal nang patakaran ang tahasang pagtanggi sa katotoohanan ng patakaran nito ng pasistang panunupil at dahas. Wala raw represyong pulitikal. Walang iligal na pang-aaresto at tortyur. Walang EJK o kung mayroon man ay tiyak na walang kinalaman dito ang alinmang ahensya ng gobyerno. Walang desaparesido. At ang bilang ng bilanggong pulitikal sa bansa batay sa huling estadisktika ng Malacanang ay isang napakatabang zero.
Hinahanap ko araw-araw ang tapang at tatag at araw-araw din ay natatagpuan ko ito sa di-mapapasubaliang kawastuhan ng paninindigan. Ibayong tapang at tatag pa ang laging hatid sa akin ng mga naniniwala at sumusuportang mga kasama, kaibigan at pamilya. Pambihira ang maagap at sustenidong pagtindig ng sektor ng mga artista at manunulat para sa akin at sa lahat ng bilanggong pulitikal. Hindi ako mawawalan ng inspirasyon at lakas hangga’t nagpapatuloy ang malawak na hanay ng masa ng sambayanan sa paglaban. Ang mga ito ang dapat kong laging pinasasalamatan.
Narito, bago ko pa maiwala, ang isang medyo nagwawalang tula:
KALAMPAG
Isang Kontra-Apidabit [ sa key ng Oi (!), sa beat ng Yo (…)]
Hoy! Mga ‘nak kayo ng putsch, bumalik kayo rito! Hinarang nila ako, ‘Mâ. Ayun sila, Ale, ayun o, ayun. Ayun pa yung isa. Hoy, tinamaan kayo ng oi! Hinila ‘ko ng mga tarantoda dun sa may rotunda pagbaba ko ng bus sa crossing, Bossing. Dinakma ako sa balikat, Bay – pang! – sabay hablot ng mga lekat sa bag ko, Lakay. Pero naikutan ko agad ang mga mawnster, Mam, Ser, naipulupot ko ang kamay ko sa istrap. Nakipaghatakan ako sa mga haragan, ‘Tol. Tug-of-war sa mga thugs, Bro. Tapos yun na — pak! – sinapak-sapak na ‘ko ng mga tsonggo, Tsong. Dito o, dito. Buti na lang, Beh, bago pa ‘ko bumagsak, P’re, natuhod ko sa bayag, ‘Te, ‘yung isang butete – pweh! (Huweh?) Yeh, yeh! – walang istir, Bradir, sa balls talaga, Dude. Dun na medyo kinabahan ang mga pating, Ateng, kasi pagsemplang ko nang ganun, dumapa na ko nang ganyan, tapos hinigpitan ko na nang ganito yung yakap ko sa bag ko, Yangku. Oo, parang touchdown lang, Pards. Right, pwedeng planking din, Mards. Kaso pinagtatadyakan pa rin ako ng mga bargas, Madz – my gadz! – here o, here. Boom-bam! Bam-boom! Pero sandali na lang yun, Mamu, isa-isa na rin silang nag-flyzoom. Dun o, Papu, dun, dun… Yo, yo… Sige lang, sige lang, yo…Check, check, check it out, yo…Here goes: Bag-check (one time), bag-check (two time)…Mukhang andito pa naman ang lahat sa bag…Extra t-shirt, ok…Mineral water, alright… Labakara, kere… (Bag-check, bag-check)… Medyo napisa yung iba pero andito pa yung baon kong limang piraso ng tapang. Two, four, six pieces ng high-grade na tapang? – uy! – nadagdagan pa nga yata, eto o, try nyo, matapang yan… (check-check, bag-check) … sepilyo … Ballpen… Ayos, andito pa yung DVD ng mga alaala. Andito pa yung pictures ng pag-asa.. (Check-check, check-check)… Andito pa yung isang kaha ng tatag. May tingi-tingi ring tatag-tatagan na ok lang naman din, pero mas ok na nga itong nasa kaha… Yes, andito pa yung reading glasses ko. Gawa kasi ito sa istorikong material kaya ang galeng lang talaga at di nabasag. Pambasa ko ‘to lagi sa uri, sa malapyudal at malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino, sa estratehiya at taktika.. Andito pa ‘yung mga papeles ko: certified true copy ng linyang masa, mga rehistro ng tiwala ko at pagsandig sa anakpawis sa pagsulong-at-pagtatagumpay-ng-pakikibaka-ng-sambayanan-laban-sa-imperyalismo-pyudalismo-burukrata-kapitalismo… May sekretong bulsa rito, andito pa ang mga gaheto kasama ang buung-buong pagkilala sa lahatang-panig-na-pamumuno-ng-proletaryado-sa-dalawang-yugtong-rebolusyong-Pilipino… Andito pa ang program ko ng Photoshop at ng PDR at ang kalendaryo ng limang taon, limang taon, limang taon, limang taon, limang taon. May maliit akong duplicate nito sa wallet ko, teka, andito lang ‘yun e…Teka lang.. Aba…Nakup… Naloko na… Ba’t laslas ‘tong bulsa sa likod ko?! Mag hayop! Hayuuuup!…Kolera, Kolera! … Nakuha nila ‘yung wallet ko, ‘Tay. Andun yung kalayaan ko, ‘Nay, kalayaan ko… Kalambre, kalambre! … Habulin natin sila, ‘Toy! Kalayaan ko ‘yun, ‘Ne, kalayaan ko… Tulong! …Tulong, Bok. Tulong, kas…
(wasak! Este, wakas.)
Monday, December 5, 2011
Kabilang sa mga Nawawala (4)

Basahin ang bahaging 1, 2 at 3
Marami pa sana akong gustong sabihin dito tungkol sa paksa ng eksena, tungkol sa punk, tungkol sa rakenrol, tungkol kay Ely, tungkol kay Dong at iba pa – pero saka na lang. Huli na lang kaugnay nito: Isang beses ay nakasama ko sa Berouz ang buong Eraserheads, si Ann Angala (ang kanilang manager) at at si Chickoy Pura. Hindi ko na maalala kung kailan ito at kung bakit ako napasama sa kompanyang iyon. Pero seryoso ang agenda. May inaalok si Ely at Ann kay Chickoy. Ideya ito pangunahin ni Ely. Isang misyon noon ni Ely na mabigyan ng BMG Philippines ng recording si Chickoy Pura at ang The Jerks. Paraan iyon ng ika nga ay pagsukli ni Ely at ng Eraserheads sa inspirasyon na ibinigay sa kanila ng mga alamat ng rakenrol na gaya ni Chickoy. Kayang-kaya ito ni Ely, bilang lider ng Eraserheads na noon ay siyang pinakamalaking talent ng BMG.
Syempre sa isang kondisyon – kailangan lang na “kumpunihin” ang mga kanta ng Jerks para ika nga ay medyo lumabnaw ang pulitika ng mga ito at maging “radio-friendly” o katugtug-tugtog sa radyo.
Agad-agad at walang kaangas-angas, nagsabi si Chickoy na baka magkaproblema kung ganun. Sumagot si Ely na sayang naman ang pagkakataon; sayang naman ang The Jerks kung hindi sila bibigay sa maaaring maliit lang naman na kondisyon ng negosyo sa musika. Walang kaangas-angas, walang hinanakit, sabi ni Chickoy, “Oo nga pare, pero sayang naman ang mga kanta.” Sinundan ito ni Chickoy ng karaniwan niyang tawa na parang bale-wala lang. Parang gusto niyang sabihin na, ayos lang ‘yon, ganyan talaga, hamo na, ang sarap nitong shawarma. Halatang apektado ang delegasyon ni Ely (maliban kay Marcus na abala na sa ibang trip). Hindi alam ni Ely kung paano magre-react. Panghihinayang sa isang banda, siyempre. Paghanga, sa kabilang banda.
Kung tutuusin, si Chickoy ang orihinal na myembro ng Acosta Universe, ang pioneer ng kontemporaryong kilusang Iwas-Uso. (Anu’t anuman, ako pa rin sa aking pagkakaalam ang natatanging pruweba ng penomenong Iwas-Tuto — sa paggigitara).
Pero kung napapayag ni Ely si Chickoy, maaaring hindi na naisulat ng huli ang “Rage” at ang “Storm.” Naging makata si Chickoy nang malikha niya ang “Rage.” Sa pagitan ng “Rage” at ng “Storm” ay ang pag-unlad ni Chickoy mula sa isang folk-icon-poet tungo sa isang folk-statesman-“soul” ng urban mass movement. Sa ilang panahon ay ginampanan rin nina Heber Bartolome at Jess Santiago ang papel na ito pero sa palagay ko ay para bang masyado silang nalungkot o di kaya’y masyadong inisip si Bob Dylan at si Victor Jara.
Mahalaga ang taguring “statesman.” Tinutukoy nito ang natatanging kakayahan ni Chickoy na pagkaisahin ang mga musiko para sa tunguhing demokratiko at makabayan. Wala siya ng angas ni Heber. Wala siya ng sentimentalismo ni Koyang Jess. Ang mayroon siya ay ang gaan ng loob ni Monico Atienza. Kapag sinabing “soul” ito ay kaluluwa, “espiritu,” “esensya.” Ang bawat matagumpay na pagtatanghal ni Chickoy sa mga rali o sa iba’t ibang okasyon at pagtitipong-masa ay isang pagdaranas sa “soul” ng “rage,” sa “soul” ng “storm” na siya lamang ang makapaghahatid sa ganoon ka-sinsero, pinaka-“hubad” na paraan gaya ng purong rock n’roll at ugat nitong blues na inawit noon ng mga manggagawang aliping blacks sa perokaril ng US at ng mga kargador sa mga pier ng England. Kaya kung bilang manlilikha ng awit, si Chickoy ay isang “poet,” bilang mang-aawit o performer, siya ay isang “soul.”
Tiyak, ang mga nakaabot kay Lean Alejandro ay makapagsasabing si Lean, bilang lider-masa ay isang “soul.” Kapag sinabing “folk,” siyempre Bob Dylan, o para mas ligtas, ang “batang” Bob Dylan. Pero kung may hibong rebisyunismo ang paglalakip ng “bata” o “young” (gaya halimbawa ng mga Trotskyite na nagpauso sa “young Marx” na pamimilosopong anti-komunista), sabihin na lang na ang “folk” ay si Woody Guthrie. Monico Atienza, Lean Alejandro, Woody Guthrie, kakatwang barkadahan at siya ring kinabukasan ni Chickoy sa tingin ko. Sa pagitan ng “Rage” at ng “Storm” ay ang pag-unlad ni Chickoy mula sa isang folk-icon-poet tungo sa isang folk-statesman-“soul.”
Ang kopya ko ng natatanging live recording ng The Jerks na ginawa noon sa Mayrics sa Espana, sya nga pala, ay naiwala ko na rin.
Sa pagitan ng “Jessie” at “Isang Minutong Katahimikan” ay isang mahaba-habang paglalakbay. Sa pagitan ng “Marmalade” at “Duyan” ay isang buhay pa ring pagnanasa na madiskubre ang praktikal na katuturan ng chords.
(Itutuloy)
Saturday, December 3, 2011
Sulat kay Bibeth Orteza
Basahin ang sulat ni Bibeth Orteza para kay Ericson Acosta
November 9, 2011
Dear Direk Bibeth,
Mabuhay!
Nung isang araw ko lang natanggap ang sulat n’yo. Nabasa rin ito ng mga kaselda at nakaabot pa nga sa at least dalawa pang selda. Kung na-touch ang mga kakosa, paano pa kaya ako? Damo nga salamat ngan damo pa lewat nga salamat!
Ngayon ko lang nalaman na tubong-Catbalogan pala kayo. Ilan sa mga kakosa ang nagbidang pamilyar nga raw sila sa inyong pamilya. Ang iba naman ay humanga sa hagod ng prosa ninyong Waraynon. Marami kasi ritong taga-Gandara, Sta. Margarita at siyempre, Calbayog, na sa obserbasyon ko ay may otomatikong pagkagiliw sa variant ng wika ng Catbalogan (o San Jorge) marahil dahil na nga sa ito ang lingua franca o ang kinikilalang opisyal o pormal na Waraynon. Anu’t anuman, pasensya na at bigo ang tangka kong sagutin kayo sa taal ninyong salita. Kaya heto, Tagalog-Batangas at Cubao na lamang muna.
Sa bahagi ko, sabihin pang walang pinipiling bayan, probinsya o rehiyon ang tawag ng tungkulin – para bang malaon na akong binihag nitong ikatlo-sa-pinakamalaking-isla-sa Pilipinas, ang Samar.
Mula sa history books (at hindi sa Travel Time) ako unang nagkaroon ng partikular na interes sa Samar. Sa mga akda nina Renato Constantino, Amado Guerrero at Schirmer, matingkad na patunay sa kalikasang marahas ng imperyalismo ang lupit ng henosidyo na dinanas ng buong isla sa kamay ng Amerikanong mananakop noong panahon ng Philippine-American war. Marami ring sulatin hinggil sa Vietnam War ang natuturo sa “howling wilderness” ng Samar bilang siyang laboratoryo ng maka-hayop na taktika ng agresyon na ginamit ng US sa Indochina at sa iba pang bahagi ng daigdig.
Kakambal ng temang ito, gayunman, ay ang maningning na patriyotikong tradisyon ng isla at ng rehiyon sa pagtatanggol at paglaban. Nariyan ang mga Pulahanes at iba pang grupo at makabayang mga lider na tinagurian ng mga mananakop bilang insurekto, bandido, bandolero. Nariyan ang pag-aaklas ng Balangiga. Nariyan din ang gerilyang mga pangkat ni Heneral Lukban (nakakalungkot isipin na ang kampo sa Catbalogan na ipinangalan sa makabayang heneral na ito ay siyang eksaktong sentrong himpilan ng 8th Infantry Division na ngayo’y may mahaba nang rekord ng panunupil at pandarahas sa mamamayan ng Samar at Leyte . Kabalintunaan na ang pangalan ng anti-imperyalistang heneral ang tawag ngayon sa kampo na sa esensya ay outpost ng US military imperialism sa sulok na ito ng arkipelago.)
Noong 1998 ay may naisulat akong tula tampok ang kasaysayang ito ng Samar. Mula rito ay may storyline akong nabuo at ibinato sa Alay Sining para sa isang dula. Sa pangunguna ng makatang si Richard Gappi ay nakumpleto ng Alay Sining writers collective ang isang iskrip noong taong ding yon, at katuwang ng ilang kasapi ng UP Repertory ay nai-mount ang isang produksyon na may pamagat na “Samar.”
Nang mapadpad ako sa wakas sa Samar, mabilis na nagka-ugat sa puso ko ang mga Waray-waray. Sino ba namang manggagawang pangkultura ang hindi tatamaan ng curacha at ismayling, ng mga luwa at pabulang bayan, ng daan-daang makabayang awiting Winaray? Nakumpirma ko nang direkta ang mga sinabi ni Kris Montanez noong Dekada ’80, sa kanyang panlipunan at pangkulturang pagsisiyasat sa Samar – na ang buong isla ay isang mina ng mapagpalayang sining at panitikan. Alaala kong lagi ang kanayunan ng Samar kahit dinala na ako ng gawain sa Maynila o saanmang probinsya o rehiyon.
Inihatid akong muli ngayon sa isla. Sa pagkakataong ito, ay mapapalalim ko ang aking kaalaman tungkol sa binabanggit ninyo na “damo nga waray para ha mga Waray-waray,” ang malawak na kawalan ng kabuhayan at serbisyong panlipunan. Ito, sa kabila ng likas na kayamanan ng isla. Nabanggit ko sa isang sulatin ang tungkol sa 50 taong moratorium sa malakihang pagmimina dito sa probinsya ng Samar. Isang patakaran na sa aktwal ay sinasagasaan ng ilanpung dayuhan at malakihang mining permits na inaprubahan dito sa isla. Layunin nitong mapangalagaan at mabigyan ng santuaryo o ligtas na kalalagyan sa kagubatan ang tinatawag na mga endagered specie ng Samar gaya ng Philipppine Tarsier, Philippine Eagle at Philippine Cockatoo. Pero dahil sa daantaong pangangamkam ng lupa at pandarambong sa likas-yaman, ang mga karaniwang mga magsasaka — ang tinaguriang Philippine Peasant – ay matagal nang nanganganib: unti-unting pinapatay sa gutom at kawalan ng kabuhayan, tahasang pinapaslang dala ng militarisayon.
Isang seryosong suliranin ng Samar, at ng buong bansa – ang impunity. Hanggang ngayon ay bitbit ng mamamayan ang pangamba mula sa kanilang tromatikong karanasan noong “panahon ni Palparan.” Humahaba ang kasaysayan ng panunupil, banggitin pa ang pagpaslang kay Dr. Bobby dela Paz noong panahon ng diktatura at sa panibagong karahasan hanggang sa kasalukuyan. Kahit wala na si Palparan sa isla, naghahari pa rin ang takot. Walang duda na nagpapatuloy ang paglabag sa karapatan. Ngunit kahit sa loob ng piitan, alam nating nariyan at nangingibabaw ang mapanlabang diwa. Inspirasyon ng isang detenido ang mga balita ng pagdaluyong ng kilusang masa sa syudad, sa nayon at sa buong napakalawak na daigdig!
Wala akong nakikitang malaking problema sa binabanggit ninyong usapin ng inyong pagiging “nariyan” gayong kayo ang taga-rito in relation sa pagiging “narito” ko gayong nagmula ako sa ibang lupalop. Nakukuha ko siyempre ang gusto ninyong sabihin at karangalan ko po iyon. Pero ang sa akin lang, nariyan man kayo ay tiyak kong sa inyong paraan at kapasidad ay dala-dala ninyong lagi ang kapakanan ng mga kababayan ninyo rito. Alam ko rin ang pagmamalasakit ninyo para sa aping mga sektor ng mamamayan mula man sila sa kung saan, at handa kayo lagi na bigyan ng boses ang kanilang makatwirang mga adhika.
Ang pagbibigay ninyo ngayon ng suporta sa panawagan ng agaran kong pagpapalaya ay di lamang pagdamay sa isang kapwa-artista, hindi lang simpatyang propesyunal o pagkampi sa isang halos kababayan – pagpanig, pagtindig ito pangunahin sa kung ano ang wasto at makatarungan. Pambihira kayo kung tutuusin sa inyong milieu, at nasa katayuan kayo upang makapag-ambag ng higit pa para sa pagpapalawak ng hanay ng mga artistang mulat at hindi nangingiming makisangkot.
Mabuhay kayo!
Ericson Acosta
Calbayog sub-provincial jail
Sunday, November 13, 2011
November 13, 2011

November 13, 2011
Nine months ago today, the state took from me the following:
1. A cellular phone the make and features of which my wife once described to be impossibly antediluvian;
2. a computer notebook blamelessly Chinese and functioning;
3. and one particular non-gadget belonging in fact to the category of the non-object yet whose loss can be so dreadfully concrete you'd swear never again to spell it in small letters -- FREEDOM.
Wednesday, November 9, 2011
Kabilang sa mga Nawawala (3)

IV. Eksena
Taong 1990, second year college ako, nakipag-jamming ako sa banda nina J Gatmaitan at Peter S. Laking-Japan si J at si Peter ay kaklase ko mula 2nd year hanggang 4th year high school. Si J ang lead guitarist at rhythm si Peter. Ang bass ay si B1 at ang drummer ay si B2. Si B1 at B2 ay kambal. Sila ang may-ari ng bahay/studio na pinagjajammingan naming sa Sun Valley, Paranaque. Kapag hindi ako nakikijam, si J ang kumakanta. Kapag kasama ako, ako ang bokalista.
Kakaiba ang repertoire ng bandang ito na ang pangalan ay Cassandra. Ang suggestion ko sa kanila ay si Eric Clapton at U2. Mahusay naman ang Cassandra, pero wala lang plano. Gustong sumubok ng metal pero hindi buo ang loob. Ayaw naman ng punk. Masunurin na magalang ang Cassandra. Si J ang tumatayong lider. Mahusay si J at masipag mag-aral ng Steve Vai at Joe Satriani. Kaso wala lang plano. Nang dumating ako, parang na-excite sila dahil marami akong magazine tungkol sa studio recording at sound engineering. Kakaiba yon dahil ang mga magazine nila ay tungkol sa mga gitara, guitar effects, at guitar tabs. Ang mga magazine ko ay tungkol sa mga microphone filters, acoustic carpets, 24-track consoles at 2nd generation MIDI. Ang sabi ko sa kanila, subukan namin kung ano ang tunog ng Cassandra sa medyo high-tech na studio.
Ako ang naghanap ng studio. Sa Abbey Road sa Pasay. Malaki ang Abbey Road. Walang egg trays. Pati ‘yung synthetic wooden tiles na butas-butas hindi uso dito. Espesyal na wood panels talaga ang acoustic installation sa pader, kisame at sahig. Maraming makakapal na glass divider panels. Malaki ang control room na elevated at parang main hub ng space ship – madilim, maginaw na maginaw, at mabango ang carpet. Hiwalay ang drum area, hiwalay na kwarto talaga na medyo maluwag din. May dalawang Fender guitar sa studio floor at isang bass guitar. Tapos isang Yamaha na grand piano. May 24-track console.
Taong 1990 noon at medyo sosyal ang rate na P500 per hour na renta. 1995 na nga e P200 per hour pa rin sa Annapolis. Kaya 1990, hi-tech na talaga ang Abbey Road. Parang mga paslit na nakapasok sa karnabal sa unang pagkakataon nang makapasok ang Cassandra sa Abbey Road. Ako, cool lang dahil na-survey ko na ‘yung lugar mga ilang araw pa bago kami nag-record, at para ngang barkada ko na ‘yung engineer.
Naka-dalawang oras kami. Ang ni-record naming ay ‘yung kanta ko na “Jessie” at ang kantang “Universe” ni J Gatmaitan. Kahit nakapag-rehearse kami sa Sun Valley, may mga palpak pa rin kami sa studio na umabot ng mga 30 minutes siguro. Para kasing nanliit ang Cassandra sa ganda ng Abbey Road. Nang i-playback nung engineer yung bahagyang na-mix na ni-record namin na “Jessie,” manghang-mangha ang Cassandra. Hindi makapaniwala ang Cassandra na Cassandra nga ang napapakinggan nila dahil sa napakalinis at napakalutong na tunog ng “Jessie.” Na-inspire nang husto si J Gatmaitan. Ni-record niya nang solo ang kanyang “Universe.” Nagustuhan ng Cassandra ang unang recording session na ito.
Akala ko, ito na ‘yung magsisilbing pamukaw sa kanila para seryososhin ang tugtugan. Pagkalipas ng ilang araw, balik na naman sila sa dati nilang kampanteng pagsandal sa kahusayang walang patutunguhan. Sinikap kong engganyuhin silang dumalo sa mga pwedeng tugtugang mga gimik, pero mga exams at papers na ang mga dahilan nila. Sabi ko kahit ayusin lang namin yung “Jessie” dahil masyado pang manipis. Baka kako may maging interesado sa Cassandra kapag narinig nila ang isang halos professionally-produced na demo. Sabi nila OK lang, pero hindi naman talaga sila nag-commit. Sabi ko, sige sisimulan ko lang at baka sumunod na rin sila.
Inareglo ko ang production. Narinig ko na sa utak ko ang aregladong “Jessie” – parang “Walking in Memphis” ni Mark Cohn at “Something to Believe in” ng Poison at parang Dire Straits at parang Pink Floyd. Nakakuha ako ng dalawang pianista, si F. Ferras ng UP College of Music at si Blaise Gacoscos ng UP Rep (na magiging entertainment editor ng Manila Times kapalit ni Eric Ramos); isang violinist; at apat na back-up vocalists, isang babae at tatlong lalaki kasama ang makatang si Ramil Gulle. Si Blaise ay kumanta rin pala. Dati siyang myembro ng UP Singing Ambassadors.
Nag-rehearse kami sa bahay ni Tia Nene dahil may piano roon. Pagdating sa Abbey Road, kabado ang lahat, nakaka-pressure talaga ang Abbey Road. Parang pinaka-presyurado si Blaise bilang pianista, pero ayos naman. Natuwa naman sila sa mixed na output.
Halos lahat ng nakarinig sa “Jessie” ay na-impress. Nakalimutan ko na kung anong radio station pero basta sa taas ng Insular Life Building sa Ayala ‘yung binigyan ko ng kopya. Sabi ng DJ o program manager ay OK, at humingi ng master copy sa format na Ampex. Nagpamaster ako sa Abbey Road sa Ampex pero hindi ko na maalala kung na-follow up ko sa istasyon.
Halos lahat ng nakarinig sa “Jessie” ay na-impress. Hindi naman kasi talaga masama. OK naman yung baritone ko sa verse at ligtas na mga birit sa koro. OK yung bagsakan sa piano ni Blaise. OK yung lead na may distortion ni J. Medyo ngiwi lang sa ilang bahagi yung violin. Medyo manipis kahit ni-layer na yung harmony ng back-up vocals. Pero sa pangkalahatan, pwede na.
Isa sa mga napatunayan ko ay pwede pala talaga akong kumanta. Iba pa syempre kung may puwang ako sa pagpapakadalubhasa sa musika. Ang mas malalim kong realisasyon ay hindi pa hinggil sa kakayahan ko sa pag-awit o sa musika, kundi sa potensyal ko sa pamumuno. Napatunayan ko na kaya kong bumuo ng isang plano, ipaliwanag ito nang malinaw sa mga taong makakatuwang ko, at puspusang kamtin ang katuparan ng plano kasabay ng masigasig na partisipasyon ng isang grupo. Sa “Jessie” ako unang dumiskarte sa pasikut-sikot sa totoong buhay, at noon ay napansin kong mahusay akong bumagay o makisalamuha sa iba’t ibang tao, kaklase, kaibigan, kamag-anak, kaibigan ng mga kaibigan, sound engineer, DJ, rakista, at iba pa. Pero bakit ako huminto? Bakit hindi ako nagtuluy-tuloy?
Parang ganito: parang napansin kong pa-banda na ang bagong pangkalahatang direksyon ng kabataan noong mga panahong iyon at parang isang araw ay bigla ko na lang napagdesisyunan na “huwag na lang,” – “saka na lang” at naging tagamasid na lang ako. Pero habang nagaganap sa harap ko ang sikad ng eksena, hindi ako mapakali.
Dahil sa “Jessie,” kaya ko sanang pamunuan ang Cassandra sa mas pasulong na direksyon. Kung hindi man maging OK ang Cassandra, kaya ko namang bumuo ng bagong banda. Sa katunayan ay may ginawa akong listahan noon ng posible kong mabuong bagong banda at pwede nga akong makabuo ng hindi lang isa kundi 3 hanggang 5, dahil sa mga panahong iyon ay marami na akong kakilalang may banda na o nag-uumpisa pa lang sa eksena.
Papakinggan ko sa utak ko ang iba ko pang mga kanta at maiisip ko na pwede talaga – pero huwag na lang. Mga 15 kanta na ang naisulat ko mula 1989 hanggang 1991 tungkol sa iba’t ibang paksa at sa iba’t ibang porma. May tungkol sa human rights na impluwensyado nina Sting, Bono at Tracy Chapman na mga miyembro rin ng Amnesty International – ang mga pamagat ay “Conspiracy,” “Bars(?)” at “I Don’t Think So.” Ang iba naman ay tungkol sa mga tangka sa Beatleismo at interpretasyon sa art history (!) – “Renaissance Man,” “Marmalade;” may mga romantic blues: “Butterfly,” “Cycle” at may ginawa rin ako para kay Brecht, ‘yung “Mother Courage.” Tapos ito na ngang drug-guilt rock na ang pamagat ay “Jessie,” na tungkol sa isang nagngangalang Jessie na parang sosyal na counterpart ni Buloy.
Ang references ko sa mga panahong ito, bukod sa nabanggit nang mga artists ay sina Bruce Springsteen, Tears for Fears, Steely Dan, The Doors, Elvis Presley, Jerry Lee Lewis, Paul Simon, Arrested Development, INXS, Genesis, Gary Valenciano, Bangles, Rico J. Puno, Van Halen, Cyndi Lauper, Jun Polistico, APO, at iba pa. Noong 1990, sabi ko’y gusto kong mag-blues: Ray Charles, BB King, Muddy Waters. Ganitong panahon din nag-decide si Binky Lampano na ayaw na muna niyang kumanta ng The Ramones. Narinig ko siya minsan na kumanta ng Sunday Bloody Sunday tapos segue sa Gloria, G-L-O-R-I-A.
OK naman ang punk pero mabilis lang akong maumay. OK naman ang tunog-manibalang pero madalas napepeke-an ako sa asta. Gusto kong ma-intimidate, gusto kong ma-intimidate pero peke. OK naman ang mga Betrayed, OK naman ang mga Dead Ends. Pero ang iba parang kulang, o hindi lang ako mapaniwala. Ang mahusay ay ang Dean’s December, pero kay Binky lang ako naniwala. Ang Wuds, may kahusayan, at dahil laking-Singalong ay may pambihirang katotohanan. Ako na taga-QC ay nanampalataya.
Nahirapan akong maniwala sa ilang banda sa eksena. Naniwala ako sa kanilang pagpupursige, pero mahirap paniwalaan ang kanilang sinasabing kalungkutan, ang kanilang kasihayan/kasayahan, ang kanilang ipinamamaraling kaalaman. Sa panahong ito ay malay na ako sa progresibo, kundima’y Marxistang kritika sa kulturang popular at maging sa animo’y anti-tesis nitong mga bulsa ng burgis na kontra-burgis na kontra-kultural na kilusan gaya ng noo’y kinakatergoryang alternatibo o non-mainstream na eksenang rock n’ roll. Pamilyar na rin ako sa kasaysayan ng rock n’ roll at sa pwesto nito sa modernong kasaysayan. Anupa’t ang mga ito ang pipigil sa akin na lumubog sa eksena, bukod pa sa pakiramdam na may pagka-peke ang ilang banda na nakalubog sa eksenang ito.
Ang tendensiya ko’y ihambing ang rock n’ roll sa dulaan na mas nauna kong namalayan. Hinahanap ko sa rock n’ roll ang kaseryosohan ng dulaan na manaliksik at magpaunlad. Hinahanap ko sa rock n’ roll ang komitment sa sining at humanism na kinalakihan ko sa dulaan. Naghahanap ako ng batang Bob Dylan. Paminsan-minsa’y namamatahan ko si Lolita Carbon. Nariyan si Joey Ayala, pero para sa akin ay ‘yun nga – parang bahagi rin siya ng dulaan. Ayaw kong ipaluwal si Joey Ayala at Susan Fernandez sa eksena. May sariling tradisyon ng musika ng protesta na laging gusto kong ihiwalay. Iba si Heber, iba si Jess Santiago. Sa loob-loob ko, ihiniwalay ko ang mga ito dahil mas nakaugnay ito sa kasaysayan at sa sining. Samantala, hindi ko maihiwalay ang sarili ko sa eksena.
Bandang ’92, nang magsalubong na ang daigdig ng dulaan at rock n’ roll, ay may isang antas ng resolusyon na naabot ang kontradiksyong ito. Ang pagsasalubong na ito ay isang yugtong mahalagang pag-aralan. Marami akong teorya tungkol sa penomenong ito at gusto ko itong isulat. Babalikan ko at papakinggan ko muli ang “Jessie” sa utak ko, at maiisip ko na pwede talaga, pero huwag na. Saka na lang.
Samantala, naiwala ko na rin ang ampex copy ng “Jessie.”
(Itutuloy)



